
Basahin o pakinggan ang sumusunod na talata.
Ang Kasamaan ng Tao
6:1Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami ang kabataan nilang babae. 2Nakita ng mga anak ng Dios na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila. 3Ngayon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon.”4Nang panahong iyon, at kahit nitong huli, may mga kilalang tao sa mundo na mula sa lahi ng mga anak ng Dios na nagsipag-asawa ng magagandang babae. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.
5Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, 6nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, 7kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” 8Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.
Si Noe
9Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.
Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.
11Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko. 15Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”
22Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.
Ang Baha
7:1Sinabi ng Panginoon kay Noe, “Pumasok ka sa barko kasama ng buong pamilya mo. Sapagkat sa lahat ng tao sa panahong ito, ikaw lang ang nakita kong matuwid. 2Magdala ka ng pitong pares sa bawat uri ng malinis na hayop, pero isang pares lang sa bawat uri ng maruming hayop. 3At magdala ka rin ng pitong pares sa bawat uri ng ibon. Gawin mo ito para mabuhay sila sa mundo. 4Sapagkat pagkatapos ng pitong araw mula ngayon, magpapaulan ako sa buong mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi, para mamatay ang lahat ng nilikha ko.”5Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya.
6Nasa 600 taong gulang na si Noe nang dumating ang baha sa mundo. 7Pumasok siya sa barko kasama ang asawa niya, mga anak na lalaki, at mga manugang para hindi sila mamatay sa baha. 8-9Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na malinis at marumi na lumapit sa kanya. 10At pagkalipas ng pitong araw, bumaha sa mundo.
11Nang ika-17 araw ng ikalawang buwan, umulan ng napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay 600 taong gulang na noon. 12Umulan sa mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi.
13Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. 14Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad. 15-16Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.
17-18Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko. 19Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok. 20At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok. 21Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao. 22Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa. 23Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.
24Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.
Ang Pagbaba ng Baha
8:1Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. 4At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.6Pagkalipas ng 40 araw , binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. 8Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.
13Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16“Lumabas na kayong lahat sa barko. 17Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”
Ang Kasunduan ng Dios kay Noe
9:1Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. 2Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. 3Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.4“Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. 5Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.
6“Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. 7Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”
8Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11“Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”
12-13At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”
17Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”
Ang mga Anak ni Noe
Maglaan ng ilang sandali upang muling isalaysay ang kwento sa iyong sariling mga salita. Baka gusto mong mag salita, o isulat ito. Kung nalaman mong nahihirapan kang tandaan ito, basahin o pakinggan itong muli.
Kapag sa tingin mo na pamilyar ka na sa kwento, maglaan ng ilang oras para pag-isipan o pag-usapan ang mga sumusunod na katanungan.
Get Discovery Bible Studies on your phone
Discover copyright ©2015-2026 discoverapp.org
Tagalog scripture Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible). Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ® Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.