
Basahin o pakinggan ang sumusunod na talata.
Naawa si Jesus sa mga Tao
9:35Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”Ang Labindalawang Apostol
10:1Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. 2Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, 3si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, 4si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus .Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol
5Sinugo ni Jesus ang 12 pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Dios. 8Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. 9Huwag kayong magbaon ng pera, 10o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11“Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay, at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa . 15Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating
16“Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati.
Maglaan ng ilang sandali upang muling isalaysay ang kwento sa iyong sariling mga salita. Baka gusto mong mag salita, o isulat ito. Kung nalaman mong nahihirapan kang tandaan ito, basahin o pakinggan itong muli.
Kapag sa tingin mo na pamilyar ka na sa kwento, maglaan ng ilang oras para pag-isipan o pag-usapan ang mga sumusunod na katanungan.
Get Discovery Bible Studies on your phone
Discover copyright ©2015-2026 discoverapp.org
Tagalog scripture Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible). Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ® Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.