
Basahin o pakinggan ang sumusunod na talata.
Binuhusan ng Pabango si Jesus
7:36Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon. 37Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang alabastro. 38Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.39Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” 40Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” 41Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. 42Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” 43Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. 44Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. 45Hindi mo ako hinalikan , pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. 46Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. 47Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” 48Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” 49Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” 50Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
Maglaan ng ilang sandali upang muling isalaysay ang kwento sa iyong sariling mga salita. Baka gusto mong mag salita, o isulat ito. Kung nalaman mong nahihirapan kang tandaan ito, basahin o pakinggan itong muli.
Kapag sa tingin mo na pamilyar ka na sa kwento, maglaan ng ilang oras para pag-isipan o pag-usapan ang mga sumusunod na katanungan.
Get Discovery Bible Studies on your phone
Discover copyright ©2015-2026 discoverapp.org
Tagalog scripture Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible). Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ® Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.