
Basahin o pakinggan ang sumusunod na talata.
Muling Nabuhay si Jesus
24:1Madaling-araw ng Linggo, pumunta ang mga babae sa libingan dala ang mga pabangong inihanda nila. 2Nang dumating sila sa libingan, nakita nilang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. 3Kaya pumasok sila sa loob, pero hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4Habang naguguluhan sila sa pangyayari, bigla silang nakakita ng dalawang lalaking nakakasilaw ang damit, at nakatayo sa tabi nila. 5At dahil sa takot, napayuko sila sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay dito sa mga patay? 6Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Hindi ba sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa masasamang tao at ipako sa krus, pero mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw?” 8At naalala ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus. 9Kaya umuwi sila at ibinalita ang lahat ng ito sa 11 at sa iba pa nilang kasamahan. 10Ang mga babaeng ito ay sina Maria na taga-Magdala, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila. Sinabi nila sa mga apostol ang nakita nila, 11pero hindi naniwala ang mga apostol dahil akala nila ay gawa-gawa lang iyon ng mga babae. 12Ganoon pa man, tumakbo si Pedro at pumunta sa libingan. Pagdating niya roon, sumilip siya sa loob pero wala siyang nakita kundi ang linen na ipinambalot sa bangkay. Kaya umuwi siyang nagtataka sa pangyayari.Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus
13Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15Habang nag-uusap sila at nagtatalo , lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad. 16Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin. 17Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.” 19Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?” At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel . Pero ikatlong araw na ngayon mula nang pinatay siya. 22-23Pero nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buhay si Jesus. 24Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”
25Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mga mangmang kayo! Ang hirap ninyong papaniwalain sa lahat ng sinabi ng mga propeta . 26Hindi baʼt ang Cristo ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Dios?” 27At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa Moises hanggang sa mga propeta.
28Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Jesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29Pero pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumama siya sa kanila. 30Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. 31Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus. Pero bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”
Maglaan ng ilang sandali upang muling isalaysay ang kwento sa iyong sariling mga salita. Baka gusto mong mag salita, o isulat ito. Kung nalaman mong nahihirapan kang tandaan ito, basahin o pakinggan itong muli.
Kapag sa tingin mo na pamilyar ka na sa kwento, maglaan ng ilang oras para pag-isipan o pag-usapan ang mga sumusunod na katanungan.
Get Discovery Bible Studies on your phone
Discover copyright ©2015-2026 discoverapp.org
Tagalog scripture Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible). Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ® Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.