
Basahin o pakinggan ang sumusunod na talata.
Ang Naglayas na Anak
15:11Nagpatuloy si Jesus sa kanyang pagkukwento, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki. 12Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay nʼyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko!’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak. 13Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon niya ginastos ang lahat sa walang kwentang pamumuhay. 14Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya. 15Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang taga-roon. 16Sa tindi ng kanyang gutom, parang gusto na niyang kainin kahit pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain.17“Nang mapag-isip-isip niya ang lahat, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sapat na pagkain at sobra pa, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom. 18Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. 19Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang akong isa sa mga utusan ninyo.” ’ 20Kaya bumalik siya sa kanyang ama. Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan. 21Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22Pero tinawag ng ama ang mga utusan niya, ‘Madali! Dalhin nʼyo rito ang pinakamagandang damit at bihisan siya. Lagyan ninyo ng singsing ang daliri niya at suotan ninyo ng sandalyas ang mga paa niya. 23At kumuha kayo ng batang baka na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo 24dahil ang anak ko na akala koʼy patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita.’ Kaya nagsimula silang magdiwang.
25“Samantala, nasa bukid noon ang anak na panganay at nagtatrabaho. Nang pauwi na siya at malapit na sa kanila, narinig niya ang tugtugan at sayawan sa bahay nila. 26Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Anong mayroon sa bahay?’ 27Sumagot ang utusan, ‘Dumating ang kapatid nʼyo kaya ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang baka upang ihanda, dahil bumalik siyang ligtas at nasa mabuting kalagayan.’ 28Nagalit ang panganay at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapang pumasok. 29Pero sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo ng tapat sa loob ng maraming taon at kailanman ay hindi ko sinuway ang utos ninyo. Pero kahit minsan ay hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang batang kambing para makapaghanda ako at makapagsaya kasama ang mga kaibigan ko. 30Pero nang dumating ang anak ninyong lumustay ng kayamanan ninyo sa mga babaeng bayaran, ipinagpatay nʼyo pa ng pinatabang baka.’ 31Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi tayong magkasama at ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. 32Dapat lang na magsaya tayo dahil ang kapatid mo na inakala nating patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita!’ ”
Maglaan ng ilang sandali upang muling isalaysay ang kwento sa iyong sariling mga salita. Baka gusto mong mag salita, o isulat ito. Kung nalaman mong nahihirapan kang tandaan ito, basahin o pakinggan itong muli.
Kapag sa tingin mo na pamilyar ka na sa kwento, maglaan ng ilang oras para pag-isipan o pag-usapan ang mga sumusunod na katanungan.
Get Discovery Bible Studies on your phone
Discover copyright ©2015-2026 discoverapp.org
Tagalog scripture Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible). Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ® Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.